
Itinaas na ng pamahalaan sa full alert status ang disaster response operations nito at naglaan ng mahigit P1.6 bilyong standby funds upang tugunan ang epekto ng Bagyong Maymay at pinalakas na habagat na patuloy na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar at panatilihin ang kahandaan sa harap ng umiiral na masamang panahon.
Sa direktiba ng Pangulo, itinaas na sa full alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), habang nagsasagawa ang mga member agencies nito ng mga hakbang upang mabawasan ang posibleng pinsalang dulot ng bagyo at habagat.
Ipinatupad din ng mga awtoridad ang mahigpit na preemptive evacuation sa mga lugar na madaling bahain at magkaroon ng landslide, kabilang ang mga coastal areas.
Sa Metro Manila, sinabi ni Castro na nagtalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga rescue personnel at kinakailangang kagamitan, habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga disaster risk reduction office at sa 17 lokal na pamahalaan sa rehiyon upang mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente.
Nananatili namang gumagana ang lahat ng 73 pumping stations sa Metro Manila, habang nakaantabay ang mga mobile pump at isinasagawa ang preemptive pumping operations upang mapahusay ang daloy ng tubig sa mga waterway.
Samantala, sinimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng family food packs (FFPs), ready-to-eat food, at sleeping kits sa mga apektadong lugar kabilang ang Benguet, La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Albay, at Zamboanga City.
Ayon kay Castro, mahigit limang milyong FFPs na ang na-preposition ng pamahalaan.
“Ang Pangulo at ang pamahalaan ay nakahanda sa anumang sakuna,” ani Castro.
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, sinuspinde na ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at 21 pang lalawigan ngayong Huwebes, Agosto 6. – VC











