Muling binigyang-diin ng Malacañang na dumaan sa mabusising pag-aaral ang 2025 National Budget kung saan inalis mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hindi kinakailangang gastusin.
Kasunod ng komento ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na labis na paglaan umano ng budget sa mga programang pang-ayuda, ipinahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na walang ibang naging Pangulo sa kasaysayan maliban kay Pangulong Marcos Jr. ang masusing nagtanggal ng napakaraming alokasyon na hindi mahalaga.
“[The President] later directed, within the powers vested in him, the rechanneling of billions in funds to projects and programs that create social good, spur progress, and serve the welfare of the people,” paliwanag ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Kasabay nito ay sinabi ni Bersamin na nagpatupad din ang pamahalaan ng mas mahigpit na kondisyon sa paggamit ng pondo upang matiyak na ito ay naaayon sa pambansang interes.
“All of this stems from the recognition that financing the budget is shouldered by the people; therefore, its implementation must honor the sacrifices they have made,” dagdag niya.
Noong Disyembre 30, 2024, nilagdaan ng Pangulo ang 2025 General Appropriations Act (GAA) kung saan ang P194-bilyong line items ay na-veto dahil sa inconsistencies nito sa prayoridad ng administrasyon. – VC