Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel posibleng maranasan ng mga Pilipino ang malaking pagbaba sa presyo ng bigas sa buwan ng Enero sa susunod na taon na resulta ng pagbabawas ng taripa nito.
Mula kasi sa 35% ay inaasahang bababa ito patungong 15% alinsunod sa nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na Executive Order No. 62.
Bagama’t inaasahan na magsisimulang bumaba ang presyo ng bigas sa darating na Oktubre, na epekto ng pagbawas ng taripa sa pag-import nito, nilinaw ni Laurel na Enero mararamdaman ang malaking bawas sa presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Dagdag pa ng Kalihim, hindi pa ganap na mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil pinarami muna ang import nito sa bansa na bahagi ng paghahanda sa kakulangan ng suplay nito na dala ng El Niño.
Ayon naman sa pagtataya ng mga economic manager, posibleng bumaba ng P5-P7 ang presyo ng kada kilo ng bigas na epekto ng pagbawas sa taripa nito.
Sa kasalukuyan, naglalaro sa P37-P42 ang presyo ng kada kilo ng mga well milled rice, P36-P55 ang presyuhan ng mga commercial rice, at P60 naman ang malagkit na bigas. – VC