IBCTV13
www.ibctv13.com

Malaking pagkadismaya ng college students vs VP Sara, sumasalamin sa kanyang kapalpakan bilang dating DepEd chief – House leader

Hecyl Brojan
166
Views

[post_view_count]

Photo from PNA & Radyo Pilipinas

Mayorya o 84.8% ng mga estudyante sa kolehiyo ang naniniwala na dapat nang patalsikin sa pwesto si Vice President Sara Duterte batay sa survey ng Centre for Student Initiatives (CSI) nitong Lunes, Marso 31.

Mula sa 2,000 na respondente, 1,696 ang pumabor sa tanong na “Do you believe Sara Duterte should be removed from office?” habang 12.2% ang nagsabing hindi, at 3.1% ang undecided.

Photo from Centre for Student Initiatives Facebook

Samantala, lumabas din sa survey na may 73.9% (1,477 mula sa 2,000 respondente) ang pabor na dapat nang mag-convene ng impeachment court bago ang halalan sa Mayo 2025.

Para kay House Special Committee on Bases Conversion Chairman Jay Khonghun, ang mga datos mula sa CSI survey ay nagpapatunay sa hindi magandang pamumuno ng Pangalawang Pangulo noong kalihim pa ito ng Department of Education (DepEd).

“Makikita po natin sa survey na ito na kahit ang mga estudyanteng malamang naabutan siyang DepEd secretary, naniniwalang dapat na siyang maalis sa pwesto,” ani Khonghun.

“Kung sa DepEd pa lang, palpak na ang pamumuno, paano pa ngayon na mas matindi ang mga alegasyon ng katiwalian?” dagdag ng mambabatas.

Kasama sa impeachment complaint laban kay Vice President Duterte ang mabigat na alegasyon ng panunuhol at katiwalian sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang DepEd Secretary.

Hindi naman kataka-taka para kay Khonghun ang resulta ng survey lalo na at hindi naman aniya natugunan ni VP Sara ang problema ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan sa mga gamit, at iba pang isyu sa DepEd noong termino nito.

Sa huli, binigyang-diin ni Khonghun ang kahalagahan ng pakikinig sa boses ng mga kabataan, na personal na nakaranas ng kabiguan sa pamumuno ni VP Duterte.

“Pakinggan natin ang pulso ng ating kabataan. Sila ang pinaka-apektado sa mga desisyon at pagkukulang ng isang lider,” saad ni Khonghun. – VC