IBCTV13
www.ibctv13.com

Malawakang kampanya ng ‘disinformation’ na pabor kay FPRRD, banta sa seguridad ng bansa – analyst

Divine Paguntalan
80
Views

[post_view_count]

(Canva file photo)

Tinukoy ng international research organization na Stratbase Institute ang malawakang disinformation sa social media na pumapabor kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang banta sa pambansang seguridad.

Ayon kay Dindo Manhit, Stratbase Institute President, hindi na lamang patungkol sa simpleng isyu ng pulitika ang mga ipinapakalat na maling impormasyon.

Nakatitiyak si Manhit na may malinaw na organisadong operasyon ang mga pekeng account online.

Aniya, ito ay may layuning manipulahin ang pananaw ng publiko kasunod ng pag-aresto sa dating Pangulo patungo sa The Hague noong Marso 11.

“Iniimpluwensyahan ang pananaw natin using disinformation…Sinasadya. Tumatawid na tayo sa national security issue,” saad ni Manhit sa radio interview.

“Parang warfare na ito. Nagbibigay ng disinformation, nagbebenta ng storya, narrative, na walang basehan,” dagdag niya.

Sinabi rin ng research firm president na hindi lang isyu sa International Criminal Court (ICC) ang target ng mga ganitong kampanya.

Kabilang sa pinupuntirya ng kampanya ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Nanawagan din si Manhit sa mga mambabatas na imbestigahan ang pinagmulan ng ganitong mga ‘malign influence.’

Ngayong nalalapit na ang National and Local Elections sa Mayo, pinayuhan ni Manhit ang publiko na iwasang maimpluwensyahan ng fake news ang kanilang pagboto sa pamamagitan ng pagiging responsable at maalam sa social media.

“Yung social media, kasama ‘yan sa kabuhayan natin, maganda naman ‘yan. Pero if this is being abused and if this constitutes a threat to our own national security, dapat magpataw ng batas at bigyan ng regulasyon or bigyan pa ng katawang parusa under our criminal and security laws,” ani Manhit. – VC