Tiniyak ng Malacañang na wala sa plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng martial law gayundin ang extension sa kanyang termino.
Kasunod ito ng reorganisasyon ng National Security Council (NSC) sa pamamagitan ng Executive Order No. 81.
Nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang reorganisasyon sa NSC ay bahagi ng responsibilidad ng Pangulo upang masiguro na ang mga tagapayo niya ay tunay na mapagkakatiwalaan at walang anumang pamumulitika.
“It’s not about martial law. It’s not about extending himself in power. No, he has no thinking about that. He does not even think in those terms,” paglilinaw ni Bersamin.
Binigyang-diin din ni Bersamin na mas nakatuon ang administrasyong Marcos Jr. sa pagpapalago ng ekonomiya, pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino, partikular ang mga nasa mahihirap na sektor, at ang pagtapos sa mga proyektong magdudulot ng ginhawa sa pamumuhay ng lahat.
“What he has in mind is the economic prosperity of the country, the health and welfare of the people, especially those who are in the lower classes, and the prioritization of his legacy projects,” dagdag niya. – VC