Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na tuluyan nang maililipat sa kulungan ng Pilipinas ang convicted overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso na nakulong at nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia.
“We would like to announce na officially Mary Jane Veloso is coming home.” saad ni DOJ spokesman Assistant Secretary Mico Clavano sa isang panayam.
Ito ay kasunod ng pormal na paglagda nina DOJ Undersecretary Raul Vasquez at Indonesian Minister for Human Rights, Corrections and Immigration Yusril Ihza Mahendra sa ‘practical agreement’ sa isang pulong sa Jakarta, Indonesia nitong Biyernes, Disyembre 6.
Ayon kay Indonesian Minister Yusril, ipinag-utos mismo ni Indonesian President Prabowo Subianto ang pagpapauwi kay Veloso bago sumapit ang Pasko.
Sa ngayon, pag-uusapan pa ng mga awtoridad ng Indonesia at embahada ng Pilipinas sa Jakarta ang ibang detalye sa pag-transfer sa Pinay.
“We agree to return the person concerned to the Philippines and furthermore the obligation to provide guidance to prisoner Mary Jane Veloso becomes the responsibility of the Philippine government,” saad ni Yusril.
Nilinaw ni Justice Undersecretary Vasquez na walang ibinigay na kondisyon ang Indonesian government para sa pagkulong kay Veloso sa oras na makabalik ng bansa.
Aniya, rerespetuhin ng Pilipinas ang ipinataw na sentensya ng Indonesian court kung saan nasa desisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung magkakaloob ito ng clemency o pardon para kay Veloso.
“Once transferred in the country she will serve her sentence as agreed upon in accordance with Philippine laws and regulations with respect to the penal code,” saad ni Vasquez.
Si Veloso ay naaresto noong 2010 sa Indonesia matapos madiskubre ang 2.6 kilograms ng heroin sa kanyang bagahe.
Siya ay nahatulan ng kamatayan at nakatakda sanang sumalang sa firing squad noong 2015 ngunit hindi natuloy matapos maaresto ang isang babae na pinaghihinalaang nag-recruit sa kanya para sa human trafficking.- IP