IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas mababang review fee para sa restored Filipino Films, inaprubahan ng MTRCB

Hecyl Brojan
139
Views

[post_view_count]

Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) building in Timog Avenue, Quezon City. (Photo from Wikipedia)

Isang malaking hakbang para sa pagsulong ng sining, kultura, at kasaysayan ng bansa ang ipinatupad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos aprubahan ang mas abot-kayang review fee para sa mga restored na pelikulang Pilipino.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 06-2025, itinakda ng MTRCB sa P3,500 ang special rate para sa pagsusuri ng mga pelikulang na-restore at naipalabas na nang hindi bababa sa 10 taon bago ang aplikasyon, mula sa dating presyong P8,862.75.

Inaasahang mapapadali at mapapamura na ang proseso ng pagbabalik ng mga makasaysayang pelikula sa mas malawak at maraming manonood.

Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, layunin ng polisiya na suportahan ang mga producer, archival groups, at iba pang tagapagtaguyod ng pelikula sa kanilang adbokasiya sa film restoration.

“Nawa’y mahikayat pa ang industriya na buhayin muli ang mga klasikong pelikula… upang isulong ang responsableng panonood at ipagmalaki ang yaman ng ating sining,” ani Sotto-Antonio.

Paano makaka-avail ng special rate?

Bago makuha ang diskwento, kailangang isumite ng aplikante ang sumusunod:

Liham ng Kahilingan na naglalahad ng kultural, historikal, o artistikong kahalagahan ng pelikula. Isa sa mga requirement ay dapat naipalabas na ang pelikula nang hindi bababa sa 10 taon bago mag-apply.

Patunay ng restoration, tulad ng affidavit o certification mula sa production outfit, kasama ang maikling paglalarawan ng ginamit na proseso sa pagbabalik ng pelikula sa maayos na kalidad.

Pagkilala sa orihinal na lumikha at restoration team, pati na ang contact details ng aplikante at ang may hawak ng karapatang ipalabas o ipamahagi ang pelikula.

Hindi naman kasama sa diskwento ang mga trailer at iba pang promotional o publicity materials at mananatili ang regular review fee para sa mga ito.

Ang bagong patakaran ay inaasahang magbibigay-daan sa pagbabalik ng mas maraming classic Filipino films na may mahalagang ambag sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

Para sa karagdagang detalye, maaaring makipag-ugnayan sa Review and Classification Division sa (02) 8376-7380 o mag-email sa registration@mtrcb.gov.ph.

(VC)

Related Articles

Feature

Hecyl Brojan

104
Views

Feature

Carisse Joy Mendoza, IBC Intern

1738
Views