
Mas mapapadali na ang pagbisita ng mga turista sa Boracay at kalapit na destinasyon sa oras na matapos ang bagong passenger terminal sa Caticlan Airport, Nabas, Aklan.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng opisyal na pagsisimula ng konstruksyon ng Caticlan Passenger Terminal Building (PTB) sa isang groundbreaking ceremony ngayong Lunes, Hulyo 14.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ng Pangulo ang layunin sa likod ng PTB project na palakasin pa ang lokal at pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng mas maganda at epektibong pasilidad sa transportasyon.
“The influx of people and travellers is going to be a big boost to the local and national economy. Tourism right now contributes close to 8% to our GDP and that is something we want to increase and that is why these projects that we have are also important,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Target na maglagay ng maraming check-in counters, pabilisin ang baggage handling systems, at palawakin ang security at boarding areas sa nasabing modernong gusali.
Isinailalim ito sa isang public-private partnership (PPP) at inaasahang matatapos sa loob ng 24 buwan.
Nagpasalamat naman si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa San Miguel Corporation (SMC) para sa pagsisikap na matapos ang bagong terminal building sa rehiyon, katuwang ang infrastructure firm na Megawide Construction Corporation.
“Napaka-importante ng Public-Private Partnership (PPP) dahil talagang nama-maximize natin ‘yung potential ng mga transport infrastructure na magbibigay ng malaking ginhawa sa mga kababayan natin. Kaya nagpapasalamat tayo sa San Miguel Corporation, na nag-commit na tatapusin itong bagong terminal building sa 2027,” pagbibigay-diin ng kalihim.
Inaasahang aabot sa pitong milyong pasahero kada taon ang maseserbisyuhan ng Caticlan airport sa tulong ng PTB. – VC