Asahan ang mas malakas na ihip ng Northeast Monsoon o Amihan na magdudulot ng malamig na temperatura at pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon ngayong weekend ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa 4:00 a.m. weather forecast ngayong Sabado, Disyembre 7, makararanas ng mahihinang pag-ulan at mas malamig na panahon ang Batanes area dala ng Amihan.
Magdudulot naman ng makulimlim na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Shearline sa Cagayan, Apayao, Isabela at mga kalapit na bayan.
Patuloy na hinihikayat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat mula sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, mataas din ang tsansa ng mga pag-ulan hanggang bukas sa timog at silangang bahagi ng Mindanao bunsod pa rin ng epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Sa ngayon, walang namamataang sama ng panahon o bagyo na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.
Gayunpaman, pinapayuhan ang publiko na umantabay sa ulat-panahon upang maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.