Positibo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na mas maraming pabahay ang mapakikinabangan ng pamilyang Pilipino ngayong 2025 sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, ilang gusali na sa iba’t ibang panig ng bansa ang malapit nang matapos na magbibigay-daan sa sunud-sunod na turnover para sa mga benepisyaryo.
Kamakailan ay nai-turnover na ang unang batch ng 4PH housing units para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Palayan City, Nueva Ecija.
Samantala, umaarangkada na ang pagtatayo ng naturang pabahay sa mga sites sa Bacolod City; Bocaue, Bulacan; San Fernando, Pampanga at Davao City.
Sa kabuuan, may 56 aktibong proyekto ang 4PH habang mahigit 1,000 aplikasyon naman ang kasalukuyang pinoproseso ng Pag-IBIG Fund.
Tiniyak ng DHSUD at ng iba pang concerned agencies na patuloy ang pamahalaan sa pagtugon sa kakulangan ng pabahay sa bansa upang madagdagan ang mga Pilipinong may sariling tahanan sa mga susunod na taon. – VC