IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas matatag na employment, isinusulong ng DEPDev sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya

Kristel Isidro
129
Views

[post_view_count]

File photo

Pinaiigting ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ang mga hakbang upang mapalakas ang employment at mapatatag ang labor market sa bansa sa gitna ng mga hamong kinahaharap ng ekonomiya, kasunod ng resulta ng pinakabagong Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority.

Batay sa datos ng LFS para sa Abril 2026, umabot sa 4.7% ang unemployment rate o antas ng mga Pilipinong walang trabaho. Ito ay mas mataas kumpara sa 4.1% na naitala noong Abril 2025, habang tumaas din ang underemployment rate sa 15.2% mula sa 14.6% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabila nito, lumago ang kabuuang bilang ng mga may trabaho o employment rate sa 48.89 milyon mula sa 48.67 milyon noong Abril 2025.

Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, ipinapakita ng datos ang parehong hamon at katatagan ng mga manggagawang Pilipino at mga negosyo.

Sa parte ng DEPDev, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang epekto sa trabaho at kabuhayan ng mga krisis tulad ng tensyon sa Middle East, El Niño, at lindol sa Mindanao.

Bilang tugon, ipinatutupad ang mga programa sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) framework, at muling bubuhayin ang El Niño Task Force para sa proteksyon sa trabaho at kabuhayan mula sa epekto ng El Niño phenomenon, lalo na sa sektor ng agrikultura.

Kasabay nito, iginiit ni Balisacan ang kahalagahan ng paglikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho sa pamamagitan ng market access at pag-akit ng pamumuhunan sa mga umuusbong na industriya tulad ng artificial intelligence at iba pang high-growth sectors.

Pinalalakas din ng DEPDev ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapalawak ang apprenticeship programs, mapabuti ang certification systems, at masuportahan ang paglipat ng mga manggagawa sa high-value industries gaya ng advanced electronics, renewable energy, at digital services.

Kasama rin sa pinaiigting ang mga hakbang para sa job formalization sa mga pansamantalang employment program tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) upang mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na magkaroon ng mas matatag at de-kalidad na trabaho.

Ayon kay Balisacan, mahalaga ang mga inisyatibong ipinapatupad sa ilalim ng UPLIFT framework upang makabuo ng mas matatag na labor market na kayang humarap sa mga krisis habang lumilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino. – VC