
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na isusulong ang mga hakbang upang makamit ang mas mura at mas malinis na kuryente sa bansa bago sumapit ang taong 2030.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, unti-unti nang nararamdaman ang epekto ng paglipat sa hybrid at renewable energy sources, na inaasahang makababawas ng 1.3% hanggang 2% sa production cost ng kuryente kapag naabot ang mga energy target ng ahensya.
Sa pagdinig ng 2026 budget ng DOE na nagkakahalaga ng P3.8 bilyon, tinalakay ni Garin ang isyu patungkol sa mataas na singil sa kuryente.
Ipinaliwanag niya na dahil sa 12% VAT na ipinapataw sa bawat yugto ng produksyon—mula fuel, generation, transmission, hanggang distribution—kaya tumataas ang kabuuang bayarin ng mga konsyumer.
Aniya, kung aalisin ito, posibleng bumaba ang presyo ng kuryente ng hanggang 20%.
Samantala, binigyang-diin ni Sen. Pia Cayetano na dapat matugunan ang mataas na singil sa mga lugar na nakadepende sa diesel gaya ng Palawan at Mindoro, at nanawagan ng mas konkretong datos upang maisulong ang mga reporma sa sektor ng enerhiya.
Tiniyak ng DOE na patuloy ang modernisasyon ng grid system at pagpapalakas ng suplay sa mga isla bilang bahagi ng layuning mabawasan ang paggamit ng mamahaling diesel at mapabilis ang transisyon patungo sa abot-kaya at malinis na kuryente. – VC