IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas pinalakas na cruise tourism sa Pilipinas, inaasahan ng PPA ngayong 2025

Divine Paguntalan
71
Views

[post_view_count]

Cruise tourism in the Philippines (IBC file photo)

Inaasahan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mas mataas na paglago ng cruise tourism sa Pilipinas ngayong 2025 kasunod ng pagbisita ng dalawang (2) international cruise ship nitong Enero.

Noong Enero 30, bumalik ang MV Norwegian Sky sa Manila South Harbor matapos ang unang pagbisita noong Enero 17 kung saan nagdala ang barko ng halos 2,000 pasahero na karamihan ay mga Pilipino, mula sa Kaohsiung, Taiwan.

Ang MS Europa 2 naman na isang Maltese-flagged cruise ship ay dumaong sa Bohol noong Enero 31 sakay ang 372 crew at 453 pasahero na karamihan ay German at European nationals.

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, tumaas ng 61.9% ang bilang ng cruise passengers noong 2024 o katumbas ng 142,574 pasahero mula sa 88,080 noong 2023 — pinakamataas na bilang matapos ang nagdaang COVID 19 pandemic.

Inaasahan ng PPA na aabot pa sa 185,000 pasahero ang darating ngayong 2025.

Bilang bahagi naman ng pagsuporta sa lumalagong cruise industry, namuhunan ang PPA sa bagong port infrastructure kabilang na ang mga terminal sa Coron, Aklan, Camiguin, at isang port sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

“The PPA cruise dedicated terminals serve as the gateway between the international culture and the Filipino brand of service and warm hospitality, making the Philippines recognized as the Best Port Call and World’s Best Cruise Destination in Asia,” pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago.

“With the cruise passenger arrivals and vessel calls increasing over the years, the local communities, businesses, and the economy will definitely thrive with the booming cruise tourism,” dagdag niya. – VC