
Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangako ng kanyang administrasyon na tutukan ang early childhood education sa bansa.
Personal na sinaksihan ng Pangulo ang paglagda ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) sa isang kasunduan na magtatag ng Child Development Centers (CDCs) sa mga liblib at mahihirap na komunidad, bilang tugon sa lumalalang learning poverty sa bansa.
Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at Budget Secretary Amenah Pangandaman ang ceremonial signing sa Malacanang.
Layunin ng programa na tiyaking mas marami pang batang Pilipino ang mabibigyan ng sapat at maagang edukasyon.
“Sa pamamagitan ng suporta natin sa mga lokal na pamahalaan na may limitadong kakayahan na magtayo ng sarili nilang CDC, mapapabuti natin ang edukasyon ng mga mahihirap nating mga kababayan,” bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos Jr.
Sa bisa ng kasunduan, makakatanggap ng suporta ang local government units (LGUs) para sa pagpapatayo ng mas maraming CDCs mula sa Local Government Support Fund.
“The investment we make in early childhood education today determines the kind of nation we build tomorrow,” saad ni Angara.
“This is not just about education; it is a nation-building strategy,” dagdag niya.
Narito ang hakbang na maaaring sundan ng LGUs upang makatanggap ng pondo para sa pagpapatayo ng bagong daycare centers gayundin ang pagsasaayos ng mga lumang pasilidad:
- Mag-apply sa DBM Apps Portal
- Dadaan sa pagsusuri at pag-apruba ng DepEd ang proyekto
- Maglalaan ang LGU ng lupa na hindi bababa sa 150 square meters
- Sasagutin ng LGU ang gastos sa sahod ng guro at operasyon ng pasilidad
Sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming daycare centers, inaasahan na mabibigyan na ng patas na pagkakataon ang bawat batang Pilipino na magkaroon ng maayos na pamumuhay. – VC