
Pinalalawak ng pamahalaan ang mga programa sa feeding at nutrisyon upang tugunan ang tumataas na kaso ng child stunting sa bansa, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing ngayong araw, Hunyo 25, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na pinalalakas at pinalalawak ng administrasyon ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) at ang Supplemental Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa kagutuman at malnutrisyon sa mga batang Pilipino.
Ayon kay Castro, may nakalaang P25.6 bilyong pondo para sa SBFP sa mga taong 2026 at 2027, na inaasahang pakikinabangan ng humigit-kumulang 4.63 milyong mag-aaral sa buong bansa.
Sa ilalim ng pondo ay palalawakin ang feeding period ng SBFP mula 120 araw patungong 200 araw upang matiyak ang mas tuloy-tuloy na pagbibigay ng masustansyang pagkain sa mga benepisyaryong mag-aaral.
Saklaw ng programa ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 1, mga undernourished learners sa Grade 2-Grade 6, pati ang mga pregnant adolescent learners at iba pang vulnerable at marginalized students na lampas sa Grade 6.
Maliban sa mga programa ng DepEd, ipinatupad din ng DSWD ang Supplemental Feeding Program at Walang Gutom Program.
Target na mabenepisyuhan ng SFP ang 1.8 milyong bata na naka-enrol sa mga child development center na pinangangasiwaan ng mga local government unit (LGU) at supervised neighborhood play programs sa buong bansa.
Magkakaloob ang programa ng 180 feeding days para sa mga batang may edad tatlo hanggang limang taon.
Ayon kay Castro, nakikita ng Pangulo ang mga isyu sa malnutrisyon kaya’t patuloy na pinalalawak ang mga umiiral na programa ng pamahalaan.
“Nakikita ng pamahalaan [ang problema] kaya ine-expand ang programa, mas pinapahaba pa, at mas dumadami pa ang mga benepisyaryo,” ani Castro. – VC











