Sisimulan na ang pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro sa Social Security System (SSS) ngayong Enero 2025 mula 14% patungong 15% para sa layuning mapanatili ang kakayahan ng pondo ng ahensya hanggang 2053.
Sinabi ng SSS na ang pagtaas na ito ay alinsunod sa Republic Act 11199 o mas kilala bilang ‘Social Security Act of 2018’, na nag-aatas ng 1% na increase tuwing dalawang taon.
Magtatakda ito ng bagong minimum monthly salary credit (MSC) na P5,000 mula P4,000, at maximum na P35,000 mula P30,000.
“The scheduled contribution rate and MSC increases are among the most important reforms under RA 11199 that aim to ensure the long-term viability of the SSS,” saad ni SSS President Robert Joseph De Claro.
“With this last tranche of contribution rate and MSC increases, the SSS fund is projected to last until 2053 – doubling the fund life to 28 years,” dagdag niya.
Inaasahang magdadala ang pagtaas ng kontribusyon ng karagdagang koleksyon na aabot sa P51.5 bilyon ngayong taon.
Binigyang-diin ni De Claro na ang hakbang na ito ay magpapalakas sa kakayahan ng SSS na palawakin pa ang benepisyo para sa mga miyembro. – VC