Kinilala ni Secretary Amenah F. Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno para sa kanilang serbisyo na aniya’y nararapat lamang na makatanggap ng mataas na gratuity pay.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng mga manggagawa na madalas ay hindi napapansin ngunit may malaking ambag sa pag-unlad ng bansa.
Ang mga COS at JO workers ay tumutulong sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno, mula sa disaster response hanggang sa pagpapatakbo ng mga ahensya. Sa kabila ng kanilang hindi regular na katayuan, patuloy silang nagsisilbi nang may dedikasyon at kasipagan.
Bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon, lubos na ikinatuwa ni Sec. Pangandaman ang ginawang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Administrative Order No. 28, na nagbibigay ng gratuity pay na aabot hanggang ₱7,000 para sa mga kwalipikadong COS at JO workers.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, ang mga COS at JO workers na nakapaglingkod nang hindi bababa sa apat na buwan ay makakatanggap ng buong halaga ng gratuity pay na nagsimula noong Disyembre 15.
“Granting a year-end gratuity pay to COS and JO workers is a well-deserved recognition of their hard work and valuable participation in the implementation of various PAPs of the government, and their pivotal role in the delivery of government services amidst the present socio-economic challenges.” saad ni Sec. Pangandaman.
Ang pagkilala at pagtaas ng gratuity pay para sa COS at JO workers ay isang mahalagang hakbang upang ipakita ang pasasalamat at suporta ng gobyerno sa mga taong nagtatrabaho nang tahimik para sa ikabubuti ng bayan.
“To all COS and JOs workers, thank you for serving the nation. Your commitment, especially during challenging times, brings hope and inspiration. I believe that by working harmoniously, we can build a government and a Bagong Pilipinas that is inclusive, effective, efficient, and sustainable.” dagdag ni Sec. Pangandaman. – VC