Nanindigan si Marikina Mayor Marcy Teodoro na siya ay nananatiling lehitimong kandidato para sa pagkakongresista sa darating na 2025 midterm elections.
Kaugnay ito ng petisyon na inihain sa kanya ng makakatunggaling kandidato, Sen. Koko Pimentel, para sa kanselasyon ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Tinawag ni Teodoro na bahagi ng “political maneuvering” ng kanyang kalaban sa pulitika ang naturang paratang upang hindi siya makatakbo sa 1st District ng Marikina City.
“The fact that two petitions were filed against me shows that there are political underpinnings that are geared towards my removal from the electoral race,” matapang na pahayag ng alkalde.
“I will not allow this to happen and will exhaust all legal remedies available to me,” dagdag niya.
Ayon kay Mayor Teodoro, binigyan siya ng Commission on Elections (COMELEC) ng limang araw upang magsumite ng Motion for Reconsideration at ito mismo ang kanyang gagawin.
Kasabay nito ay patuloy niyang paninindigan na siya ay tubong Marikina na matagal nang naglilingkod sa lungsod bilang konsehal, congressman at ngayon bilang alkalde.
“I will file a Motion for Reconsideration, and I have five days from today within which to do so, the Resolution is not yet final and for all intents and purposes I am still a legitimate candidate for Member of the House of Representatives of the First District of Marikina,” pagbibigay-diin ni Teodoro.
“Sa katunayan, ako ay naglingkod sa matagal na panahon bilang konsehal, congressman at kasalukuyang mayor ng lungsod ng Marikina,” dagdag niya.
Samantala, tiniyak naman ng alkalde na patuloy siyang nakatuon sa paglilingkod sa mga Marikeño at ipagpapatuloy ang mga programang nakatutulong para sa pagpapaunlad ng kanyang nasasakupan. – VC