
Patuloy na nananatili ang pagsang-ayon ng mayorya ng adult Filipinos sa performance ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research.
Ang TNM ay isang independent at non-partisan nationwide survey na regular na mino-monitor ng poll service upang masukat ang performance ratings ng mga opisyal ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling datos, nananatiling lampas sa mayorya ang approval rating ng Pangulo na lumabas ng 51% noong Disyembre 2025.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, patunay ang mataas na approval rating na ramdam ng publiko ang mga ginagawa ng Pangulo.
Dagdag pa niya, karaniwan umanong nagkakaroon ng pansamantalang pagbabago sa public sentiment tuwing may mga repormang ipinatutupad, ngunit nananatili ang matibay na suporta sa Pangulo dahil sa pagpapatupad ng mahahalagang mga programa.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na malinaw sa survey na patuloy ang suporta ng publiko sa Marcos administration sa kabila ng mga hamon ng reporma.
Dagdag niya, mahalaga ang majority approval dahil ito ang nagpapakita ng lehitimong pamamahala.
Ipinakita rin sa survey ang positibong pag-unlad sa ilang sektor, partikular sa agrikultura, sa kabila ng mga kalamidad na naranasan ng bansa.
Kabilang dito ang programang ‘Benteng Bigas, Meron Na’ na nakatulong sa mga low-wage earner at iba pang vulnerable sectors.
Bukod dito, tumatak din sa mga Pilipino ang pagsasaayos at pagpapatayo ng mga imprastraktura gaya ng flood control projects, mga ospital, medical facilities, at mga paaralan, na mga proyektong itinuturing na susi sa kaunlaran at katatagan ng bansa. (Ulat mula kay Crystal Ramizares) – VC











