Inirerekumenda ng Metro Manila local government units (LGUs) sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maglabas ng “early” weather forecast upang matukoy agad kung dapat bang magsuspinde o hindi ng pasok sa mga paaralan at trabaho.
Sa isinagawang third-quarter meeting ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) nitong Miyerkules, Setyembre 18, umapela ang mga lokal na pamahalaan na ilabas ang weather report ng 3:30 a.m.
Ito ay isang oras at 30 minutong mas maaga kumpara sa 5:00 a.m. na weather bulletin ng PAGASA kada umaga.
Sa kasalukuyan, naglalabas ang weather bureau ng ulat-panahon tuwing 5:00 a.m., 11:00 a.m., 5:00 p.m. at 11:00 p.m.
Kapag naman may binabantayang bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), naglalabas ang PAGASA ng weather bulletin kada anim (6) na oras.
Nag-ugat ang naturang apela nang ulanin ng komento online ang mga LGU na huli na umano magdeklara ng suspensyon ng pasok ng mga mag-aaral.
Sa parehong pagpupulong, sinimulan na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbalangkas sa Regional Flood Management Plan upang matugunan ang kaliwa’t kanang pagbaha sa National Capital Region. -VC