
Nagsimula na ang paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno para tiyakin ang sapat na suplay ng tubig at kuryente sa nalalapit na panahon ng tag-init, kasabay ng unti-unting pagtaas ng temperatura na nararamdaman na sa iba’t ibang lugar lalo na tuwing tanghali at hapon.
Ayon sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), nakahanda ang mga planta ng mga kuryente sa inaasahang pagtaas ng demand sa mga susunod na buwan.
Ipinaliwanag ni Engr. Isidro Cacho Jr., Vice President for Trading Operations ng ahensya, na kapag tumataas ang konsumo ng kuryente ay mas maraming planta ang pinapaandar, kabilang ang mga mas mahal ang operasyon kung kinakailangan.
Hinikayat ng IEMOP ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay.
Sa parte ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), patuloy na tinitiyak ang sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay Engr. Christian Gonzales, Department Manager for Site Operations Management ng MWSS, inaprubahan ng National Water Resources Board ang alokasyon na 52 cubic meters per second para sa buwan ng Pebrero, na sapat upang matugunan ang pangangailangan ng tatlong concessionaire ng ahensya.
Ang mga modular treatment plant, deep wells, water tankers, at stationary water tanks na maaaring pagkunan ng karagdagang tubig naka-standby na kung kinakailangan.
Sa kabilang banda, nagbabala ang Quezon City Health Department laban sa mga sakit na karaniwang tumataas tuwing tag-init tulad ng heat exhaustion, muscle cramps, measles, eye irritation, hypertension at heat stroke.
Ayon kay Dr. Biboy Molano ng QC Health Department, pinaigting na ang pagpapalabas ng health advisories sa mga barangay, health center, paaralan, at workplaces kaugnay ng mga heat-related illnesses.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang pagkakaroon ng hydration breaks, pag-iwas sa matinding aktibidad sa ilalim ng araw, at paglalagay ng cooling areas.
Pinayuhan din ang publiko na iwasang mabilad sa araw mula 10 a.m. hanggang 4:00 p.m., magbaon ng payong, ugaliing uminom ng sapat na tubig, at agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center sakaling magkaroon ng emergency. (Ulat mula kay Crystal Ramizares) – VC











