IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga bayani sa PH banknotes, mananatili sa sirkulasyon – BSP

Jerson Robles
67
Views

[post_view_count]

Canva file photo

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mananatili sa sirkulasyon ang mga papel na salapi na may mga bayani ng bansa, sa kabila ng paglabas ng bagong polymer banknotes na nagtatampok sa mga halaman at hayop ng Pilipinas.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng “First Philippine Polymer Banknote Series” sa Malacañang, noong Huwebes, Disyembre 19.

Inilarawan ng Pangulong Marcos Jr. ang bagong banknotes bilang simbolo ng lakas at inobasyon ng bansa.

“The introduction of the first Philippine polymer banknote series reflects the progress we are making as a Bagong Pilipinas—practical, innovative, and deeply meaningful.” saad ng Pangulo.

Nakatanggap naman ito ng batikos mula sa August Twenty-One Movement (ATOM) dahil sa tila pagsasawalang-bahala sa mga pambansang bayani.

Ayon sa ATOM, ang desisyon ng BSP ay naglalayong burahin ang kasaysayan at mga sakripisyo ng mga bayani na lumaban para sa kalayaan.

Agad namang binura ng BSP ang alalahanin ng publiko patungkol sa nagbabadyang pagkawala umano ng mahahalaga at makasaysayang disenyo ng papel na pera.

“It will co-circulate so our paper banknotes featuring our Philippine heroes will still be there,” saad ni Mary Anne Lim, BSP assistant governor.

“Ang aming stance talaga ay parehas na importante sa ating kultura at sa ating history [Our stance is they are both important to our culture and to our history]. And so, both are being honored and celebrated through our banknotes,” dagdag ni Lim.

Ang bagong P1,000 polymer banknotes ay naglalaman ng mga disenyo tulad ng Philippine eagle at sampaguita; Visayan Spotted Deer at Acanthephippium mantinianum para sa P500; Palawan Peacock-Pheasant at Ceratocentron fesselii para sa P100 at Visayan Leopard Cat at Vidal’s lanutan naman sa P50.

Sa kabila ng mas mataas na gastos sa produksyon, binigyang-diin ng BSP na mas matibay at mas cost-efficient ang mga ito kumpara sa tradisyunal na papel.

Sa huli, tiniyak ng BSP na patuloy nilang susuportahan ang lokal na industriya ng abaca kahit pa may bagong polymer banknotes.

“While polymer banknotes have been introduced, the existing paper banknotes will remain in circulation, and abaca will remain a key material for the paper banknotes,” saad ng BSP. – VC

Related Articles