IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga dating DPWH engineer, maaaring kasuhan ng ‘perjury’ sakaling bawiin ang mga sinumpaang testimonya

Kristel Isidro
100
Views

[post_view_count]

Former DPWH district engineer Henry Alcantara, contractor Pacifico Discaya, DPWH Bulacan assistant district engineers Jaypee Mendoza and Brice Ericson Hernandez, and Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson. (Photo courtesy of PNA and Ping Lacson/Facebook)

Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na maaring humarap sa kasong perjury ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sakaling bawiin nila ang kanilang mga sinumpaang testimonya kaugnay ng iniimbestigahang flood control projects.

Ito ay matapos kumalat ang mga ulat na nag-recant umano ng kanyang testimonya si dating DPWH Bulacan 1st District engineer Henry Alcantara, bagay na itinanggi ng Department of Justice (DOJ) dahil wala pa namang natatanggap na opisyal na mosyon.

Ayon kay Lacson, ang sinumang babawi sa kanilang sworn statements ay maaring managot sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act 11594, kung saan ang parusa ay maaaring umabot hanggang 12 taon na pagkakakulong, bukod pa sa P1 milyong multa at perpetual absolute disqualification.

Nilinaw din ni Lacson na kahit may maganap na recantation, magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado dahil hindi lamang nakabatay sa testimonya ng mga testigo ang kaso.

Aniya, may mga circumstantial at documentary evidence, at ang pagsuko nina Alcantara at dating DPWH assistant district engineer Brice Hernandez ng pera at mga sasakyan ay indikasyon ng umano’y katiwalian.

Samantala, sinabi ng Office of the Ombudsman at ng Malacañang na wala silang natatanggap na kumpirmasyon tungkol sa pagre-recant ng mga personalidad sangkot sa flood control controversy.

Pinayuhan din ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga testigo na huwag magpadala sa mga posibleng panlilinlang, dahil maaaring sila ang mapahamak at makulong habang ang mga itinuturong “malalaking isda” ay malaya. – VC