IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga dekalibreng kontratista, asahang lalahok sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino – DHSUD

Kristel Isidro
62
Views

[post_view_count]

Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program in Malabon City. (Photo courtesy of PIA)

Mas dumarami ang mga top-tier o Quadruple A contractors na nakatakdang sumali sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program, na sumasalamin sa lumalakas na kumpiyansa ng pribadong sektor sa naturang flagship project ng pamahalaan.

Ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), ang Quadruple A ang pinakamataas na klasipikasyon na iginagawad ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) sa mga construction firm.

Kilala ang mga ito sa mataas na kakayahan, matatag na pananalapi, at bilang may malawak na karanasan sa industriya.

Iniulat ng ahensya na nasa huling bahagi na ng pag-uusap ang Thaison Builders at Data Land Inc., kapwa Quadruple A contractors, kasama ang DHSUD at Pag-IBIG Fund para magsagawa ng mga proyekto sa ilalim ng Expanded 4PH Program.

Nauna nang lumagda noong nakaraang buwan ang Megawide Construction Corporation sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Pag-IBIG Fund upang magtayo ng inisyal na 7,000 socialized housing units sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang pagpasok ng mga dekalibre at respetadong kontratista sa Expanded 4PH ay malaking tulong para mapalawig ang mga benepisyaryong nagkakaroon ng disente, ligtas, at abot-kayang tirahan. –VC

Related Articles

National

Kristel Isidro

97
Views

National

Ivy Padilla

113
Views