
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes, Nobyembre 21, na isusumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang lahat ng mga nakalap na ebidensya kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects sa bansa.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na kasamang iimbestigahan sina dating House Speaker Martin Romualdez at resigned Ako Bicol Rep. Zaldy Co, kung saan posible nilang kaharapin ang kasong plunder, anti-graft, at indirect bribery kung mapatunayang may kinalaman sa anomalya.
Binigyang-diin ng lider ang kahalagahan na maipagpatuloy ang pag-uulat sa publiko habang gumugulong ang imbestigasyon ng kontrobersyal na mga proyekto.
“Kagaya ng aking nasabi noong nakaraang report ko, ay patuloy ang pagrereport ko sa taong bayan tungkol sa mga kaso at saka sa mga impormasyon na nakukuha natin tungkol sa mga flood control project na hindi maganda,” ani Pangulong Marcos Jr.
Tiwala rin ang Pangulo na magiging patas si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa paghawak ng nasabing kaso.
“Malakas naman ang loob natin na yung Ombudsman ang ginagawa lamang ay sumusunod sa ebidensya, at kung saan tayo dinadala ng ebidensya, doon pupunta ang ating imbestigasyon,” dagdag pa niya.
Nitong Martes, Nobyembre 18, naghain na ang Ombudsman ng kasong graft laban kay Co at ilang opisyal ng DPWH at Sunwest Corp. kaugnay ng P289 milyong flood control project sa lalawigan ng Oriental Mindoro. – IP











