
Bumuhos ang suporta ng mga gobernador ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) para sa 11 kandidato sa pagkasenador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sa pangunguna ni House Speaker at Lakas-CMD President Martin Romualdez, nagkaroon ng pagtitipon sa Palasyo kung saan tiniyak ng mga gobernador mula sa 14 na lalawigan ang kanilang aktibong pangangampanya para sa mga kandidato ng Alyansa.
“We need leaders, partners and friends who will fight, na ipaglaban nila ang interes ng ating mga kababayan at constituents,” saad ni Datu Pax Ali Mangudadatu, Sultan Kudarat Governor.
“With partners and friends who will establish sustainable and long-lasting projects and programs na hindi lamang po itong henerasyon ang makakaramdam,” dagdag niya.
Kasama rin sa nangako na magbibigay ng malaking boto mula sa kanilang rehiyon sina Benguet Gov. Melchor Diclas at Ifugao Gov. Jerry Dalipog.
Nagpahayag na rin ng kanilang suporta para sa Alyansa sina Capiz Gov. Fredenil Castro, Camiguin Gov. Xavier Jesus “XJ” D. Romualdo, Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyi” Umali, Laguna Gov. Ramil L. Hernandez, Masbate Gov. Antonio “Tony” Kho, Catanduanes Gov. Joseph Chua Cua, Aklan Gov. Jose Enrique “Joen” Miraflores, Misamis Oriental Gov. Peter Mamawag Unabia, Lanao del Sur Gov. Mamintal Jr. Alonto Adiong, at Sulu Gov. Abdusakur M. Tan.
Batay sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), may kabuuang 9.1 milyon ang rehistradong botante sa mga lalawigang kinakatawan ng mga gobernador ng Lakas-CMD. – VC