Mula sa industriya ng entertainment, handa nang humakbang ang ilang mga personalidad sa direksyon ng public service.
Sa unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ngayong Martes, isa ang vlogger at businesswoman na si Rosmar Tan-Pamulaklakin sa nagpasa ng kanyang kandidatura para sa pagkakonsehal sa unang distrito ng Maynila bilang isang independent candidate.
Ayon sa vlogger, isusulong niya ang pagkakaroon ng maintenance ng mga senior citizen sa kanyang distrito.
“Hindi ko po alam kung bakit, parang minsan may mga time na nasa side na talaga ako. Yung ngayon po na kinikita po sa skin care brand ko po, nagagastos ko na po talaga sa pagtulong sa mga tao,” kwento ni Rosmar na hindi napigilan maging emosyonal sa isang media interview.
Binigyang-diin ng businesswoman ang kagustuhan na tumulong kahit sa hindi kakilala.
“May time pa po noon na merong, hindi ko naman kakilala, nasa ospital yung anak niya. Binigyan ko po siya ng P500,000 kasi parang nakita ko na yung anak niya simula nung pinanganak. Simula nung lumalaki yung anak parang siguro mga two years old nasa ospital. Hanggang sa nabalitaan kong namatay, ako pa rin po yung nagpalibing,” dagdag niya.
Kasunod ng tila pagpaparamdam ng aktor at model na si Marco Gumabao, pormal na itong nagpasa ng kanyang COC upang tumakbo bilang Congressman ng 4th District ng Camarines Sur.
Sa 5th district ng Quezon City naman napiling tumakbo ng actor-reservist na si Enzo Pineda bilang konsehal. Kasama ni Pineda maghain ng COC ngayong araw ang ina at long-time girlfriend na si Michelle Vito.
Itutuloy din ni actor-reelectionist Alfred Vargas ang paninilbihan sa publiko bilang konsehal sa 5th District ng Quezon City. Sinamahan siyang maghain ng kandidatura ng asawang si Yasmine Vargas.
Para sa re-election din si incumbent Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde na target mapanatili ang kanyang pagseserbisyo hanggang sa susunod nitong termino.
Magtatagal ang filing ng COC hanggang sa susunod na linggo, Oktubre 8. -VC