IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga LGU, tatanggap ng mas mataas na pondo sa susunod na taon – Palasyo

85
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally launched the “Bawat Bayan Makikinabang” program in Sulu, Zamboanga, on August 29, providing assistance to 3,000 beneficiaries through the Local Government Support Fund (LGSF). (Photo from PCO)

Inanunsyo ng Malacañang ang mas mataas na panukalang pondo o aabot sa P58.53 bilyon para sa Local Government Support Fund (LGSF) sa 2027 national budget.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing ngayong Miyerkules, Agosto 26, mas mataas ito ng tinatayang 1.14% kumpara sa P57.87 bilyong alokasyon para sa LGSF ngayong 2026.

Ayon kay Castro, ang dagdag na pondo ay inilaan para palakasin pa ang suporta ng pambansang gobyerno sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa imprastraktura at social development.

Kabilang sa mga maaaring pondohan sa ilalim ng LGSF ang mga farm-to-market road, water system, health facility, pagpapatayo ng mga tulay, disaster-resilient community facilities, at mga programa para sa marginalized groups.

Nakapaloob sa LGSF ang programang libreng bigas para sa mga residente ng bawat bayan sa bansa, o ang “Bawat Bayan Makikinabang” program na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Kahit ito ay ibinigay ng pondo, hindi natatapos ang obligasyon ng national government. Ito ay kailangan din na ma-monitor kung ang lahat ng naibibigay na pondo ay nagagamit nang tama,” ani Castro.
Sinabi ng Palace official na isinaalang-alang ng Pangulo ang mga hinaing, mungkahi at opinyon ng mga lider ng lokal na pamahalaan sa likod ng mas mataas na budget.

Kabilang na ang naging pahayag ni Naga City Mayor Leni Robredo hinggil sa positibong resulta ng LGSF sa kanyang nasasakupan at kung paano naging malinaw at transparent ang paggamit ng pondo.

“Nadinig po natin ang sinabi ni Mayor Leni na naging maganda ang resulta ng pagbibigay ng LGSF. Nadinig ng Pangulo na mas kailangan pa ng mga bayan ng LGUs na taasan pa ang pondo para mas maibigay pa nila ang kinakailangan ng kanilang constituents,” ani Castro.

Ang panukalang P58.53-B alokasyon para sa LGSF sa susunod na taon ay bahagi ng panukalang pambansang pondo na kasalukuyan nang sumasailalim sa deliberasyon ng Kongreso. – VC