
Patuloy na nakakakuha ng interes ang sektor ng enerhiya ng Pilipinas mula sa mga global investor kung saan umabot na sa USD 43 billion ang naitalang potential investment ng Department of Energy (DOE).
Kabilang sa mga dayuhang bansa na nagpakita ng kagustuhan na mamuhunan ay ang Australia, Israel, United States, at United Arab Emirates.
Kumpiyansa si DOE Secretary Sharon Garin na maliban sa magandang oportunidad sa pamumuhunan, posibleng napansin din ng mga ito ang kasalukuyang polisiya ng bansa.
“I think nakita nila iyong magandang investment opportunity, not just the opportunity, pero iyong climate natin na it’s time for them to come in. So nakita nila na we have the right policies and leadership para mag-invest ng $43 billion,” saad ni Garin.
Nang tanungin naman tungkol sa joint oil at gas exploration sa ibang bansa kabilang na ang China, sinabi ni Garin na bukas ang DOE sa mga dayuhang kasosyo.
“It’s not about who is exploring or where we are exploring. Mahirap kang mag-explore, mag-invest ka ng USD1 billion kung medyo disputed ang area. So, on the safe side, we focus on areas that not contested,” paliwanang niya.
Binigyang-diin naman ni Garin na nananatiling prayoridad ng ahensya ang pagtiyak ng matatag at ligtas na lugar para sa mga proyekto, gayundin ang protektahan ang mga pangmatagalang pamumuhunan. – VC