IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga negosyong Pilipino, makikinabang sa mas pinalakas na ugnayan ng ASEAN-China

154
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. co-chairs the 29th ASEAN-China Summit, along with Chinese Premier Li Qiang today, November 16. China is among ASEAN’s largest trading partners, with ties that span trade, investment and people-to-people exchange. (Photo courtesy of PCO)

Magbubukas ng mga oportunidad para sa mga negosyong Pilipino ang mas pinalakas na kalakalan, digital integration, at konektibidad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China.

Ito ang ilan sa mga pangunahing usaping tinalakay sa 29th ASEAN-China Summit ngayong Lunes, Nobyembre 16, na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang mga lider ng ASEAN at China.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Chinese Premier Li Qiang na lumampas sa $1 trilyon ang kalakalan sa pagitan ng ASEAN at China noong nakaraang taon, o 20.1% mas mataas kumpara noong 2021.

Naitala naman ang karagdagang 29.6% paglago sa kalakalan sa unang 10 buwan ng 2026, habang lumampas sa $500 bilyon ang kabuuang pamumuhunan ng dalawang panig.

Bilang bahagi ng pagpapalawak ng ugnayang pang-ekonomiya, nilagdaan ng ASEAN at China ang ASEAN-China Free Trade Area (ACFTA) 3.0 Upgrade Protocol na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa negosyo at kalakalan sa mga Pilipino at buong rehiyon.

Pinagtibay din ng dalawang panig ang Plan of Action para sa pagpapatupad ng ASEAN-China Comprehensive Strategic Partnership sa 2026-2030, na magsisilbing gabay sa kanilang pagtutulungan sa susunod na limang taon.

Kabilang pa sa pinalawak ng ASEAN at China ang kooperasyon sa digital economy, green economy at artificial intelligence (AI).

Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng patuloy pagtutulungan ng ASEAN at China upang matiyak ang seguridad ng suplay ng enerhiya.

“The adoption of the Joint Statement on Addressing the Regional Impacts of Development in the Middle East and Strengthening Regional Energy Cooperation last July reflects our shared commitment to regional coordination and energy security,” ani Pangulo.

Sa usapin naman ng konektibidad, binanggit ni Li ang mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura na naisakatuparan na, kabilang ang Jakarta-Bandung High-Speed Railway at China-Laos Railway.

Iginiit din ni Pangulong Marcos Jr. ang pangangailangan ng mas malawak na kooperasyon ng ASEAN at China sa pagtugon sa mga suliraning sa kapaligiran, partikular ang polusyon mula sa plastik.

Bilang halimbawa, binanggit ng Pangulo ang paglahok ng mga kumpanya mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN at China sa International High-Level Forum on NUTEC Plastics ng International Atomic Energy Agency (IAEA), na ginanap sa Maynila noong Nobyembre 2025.

“ASEAN and China also recognize the importance of advancing innovative solutions to shared environmental challenges,” ani Pangulong Marcos Jr.

Idinaos ang ASEAN-China summit kasabay ng paggunita sa ika-35 anibersaryo ng ASEAN-China relations, ikalimang anibersaryo ng Comprehensive Strategic Partnership, at ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia. – VC