
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga panukalang batas na magbibigay-prayoridad sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon at kapakanan ng mga mag-aaral sa katatapos lamang na ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) full meeting sa Malacañang nitong Martes, Pebrero 10.
Kabilang dito ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act at ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act.
Layunin ng CAP Act na tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, habang nakatuon naman ang pag-amyenda sa GASTPE sa pagpapahusay ng suporta ng pamahalaan sa mga mag-aaral at guro sa pribadong paaralan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, binigyang-prayoridad ng Pangulo ang mga panukalang naglalayong makamit ang mas mahusay na edukasyon, at matiyak ang kalusugan at kasiglahan ng mga mag-aaral.
Kaugnay nito, itinulak din ng Pangulo ang pag-amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, upang higit pang mapalakas ang feeding programs sa mga day-care center at paaralan.
Inaasahang makatutulong ang panukala sa pagpapatupad ng Yaman ng Kalusugan (YAKAP) program ng pamahalaan, na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests at mga gamot bilang bahagi ng primary care benefit package.
Ayon kay Castro, nananatiling prayoridad ng administrasyon ang kalusugan at edukasyon ng kabataan at hangad ng Pangulo na matiyak na ang bawat batang Pilipino ay malusog at may sapat na suporta upang maabot ang kanilang mga pangarap. – VC











