IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga produktong Pinoy, lalawak ang merkado kasunod ng mas pinalawak na ugnayan ng ASEAN-Korea

261
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. and South Korean President Lee Jae Myung led the 27th ASEAN-Korea Summit on November 16, 2026. (Photo courtesy of PCO)

Mas malawak na oportunidad para sa mga produktong Pilipino sa South Korea at mas matibay na kooperasyon sa seguridad sa karagatan at teknolohiya ang inaasahang maidudulot ng mas pinalakas na ugnayan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Republic of Korea (ROK).

Sa idinaos na 27th ASEAN-ROK Summit nitong Lunes, Nobyembre 16, kinumpirma ni South Korean President Lee Jae Myung na sinimulan na ang negosasyon para iangat ang ASEAN-Korea Free Trade Area (AKFTA) upang mas mapalawak ang kalakalan sa pagitan ng dalawang panig.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang summit bilang ASEAN Chair, kung saan tinalakay din ng mga lider ang usapin sa maritime security, artificial intelligence (AI), seguridad sa enerhiya, at digital innovation.

Sa ilalim ng AKFTA, inaasahang mas mapapadali ang pagpasok ng mga produktong Pilipino sa South Korea market.

Kabilang sa mga maaaring makinabang dito ang mga produktong agrikultural, processed food, manufactured goods, electronics, at iba pang gawang Pinoy.

Bukod sa kalakalan, palalakasin din ng ASEAN at South Korea ang kanilang pagtutulungan para sa kaligtasan at seguridad sa dagat sa ilalim ng Korea-ASEAN Maritime Safety Academy.

Layunin ng programang ito na palakasin ang kakayahan ng mga bansang ASEAN sa pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan at pagtugon sa mga hamon sa mga katubigan ng rehiyon.

Kasabay nito, isinusulong din ang ASEAN-ROK Digital Innovation Flagship Project (KADIF) upang matulungan ang mga bansang ASEAN na mapaunlad ang kanilang teknolohiya at digital skills gaya ng paggamit at pagpapaunlad ng AI, pagbuo ng digital systems, pagsasanay sa paggamit ng teknolohiya, at pagsuporta sa mga startup o bagong negosyo.

Sa kanyang opening remarks, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na mahalaga ang mas matibay na ugnayan ng ASEAN at South Korea upang sama-samang matugunan ang mga hamon sa seguridad at mabilis na pagbabago sa teknolohiya.

“Amidst strategic uncertainty, rapid technological change, and cross-border challenges, our partnership has never been more relevant,” ani Pangulo.

Kinilala rin ng Pangulo ang lumalaking papel ng AI sa pagtutulungan ng dalawang panig, partikular sa pagpapabilis ng digital transformation at pagpapalakas ng kakayahan sa teknolohiya ng rehiyon.

Bilang pagpapatuloy ng kanilang partnership, inaasahang magdaraos ang South Korea ng ASEAN-ROK Commemorative Summit sa 2029 bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng kanilang dialogue relations. – VC