Maaaring maharap sa kasong plunder ang mga special disbursing officer (SDO) ni Vice President Sara Duterte na sina Gina Acosta ng Office of the Vice president (OVP) at Eduard Fajarda na dating nasa Department of Education (DepEd).
Dahil ito sa umano’y kanilang kontrobersyal na paggamit ng confidential funds kung saan nilabag nila ang protocol ng pamahalaan partikular ang Joint Memorandum Circular of 2015 o “Guidelines on the Entitlement, Release, Use, Reporting and Audit of the Confidential and/or Intelligence Fund.”
“If this was taken for personal gain, if it was proven fictitious and erroneous yung ARs (acknowledgement receipts) to justify the taking of this amount, that could be malversation proper or worse, plunder kasi lampas na po ito sa P50 million,” paliwanag ni Rodge Gutierrez, Representative ng 1 RIDER Partylist.
Ilan sa paglabag na ginawa ng SDOs ay ang pagkakatiwala ng pondo sa mga hindi awtorisadong tao gaya ng mga security officer mula sa labas ng ahensya.
Iginiit naman ni House Deputy Majority Leader at La Union Representative Paolo Ortega V na nararapat lamang mapanagot ang mga sangkot na tila sanay na sanay umano sa mga ganoong gawain.
“Because they were too comfortable sa setup na yun, parang wala na lang, hindi na sinusunod ‘yung protocols nila. I wouldn’t be surprised if hindi lang sa security binibigay ‘yan, baka kung sino-sino pa or driver na lang,” saad ni Ortega.
Dahil dito, nanawagan ang mga mambabatas sa Kongreso na magkaroon ng reporma kaugnay sa mas mahigpit na regulasyon tungkol sa paggamit at pag-uulat sa confidential funds upang mabigyan ng pananagutan ang sinuman na lalabag sa nakatakdang protocol. – VC