Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gumugulong na ang isang ‘full-scale investigation’ upang matukoy ang sinumang opisyal ng pamahalaan na tumulong kay Alice Guo na makalabas ng Pilipinas noong Hulyo 18.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na walang lugar sa gobyerno ang mga indibidwal na inuuna ang kanilang personal na interes bago ang paglilingkod at pagseserbisyo sa bayan.
“The departure of Alice Guo has laid bare the corruption that undermines our justice system and erodes public trust. Let me be clear, heads will roll,” matapang na saad ng Pangulo.
Nangako ang Pangulo na mananagot at masususpinde sa pwesto ang mga opisyales na mapatutunayang may kinalaman sa pagtakas ni Guo.
Nitong Lunes, Agosto 19, iniulat ni Senator Risa Hontiveros na isang buwan na ang nakalipas noong lumipad patungong Kuala Lumpur, Malaysia ang nasibak na alkalde batay sa impormasyon na natanggap niya mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kaparehong araw din ay tinawag ni Hontiveros ang pansin ni Pangulong Marcos Jr. dahil naniniwala itong mayroong kasabwat na mga kawani ng gobyerno si Guo para makalabas ng bansa.
“Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan,” giit ni Hontiveros.
“Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika,” dagdag niya.
Kasunod nito, ipinag-utos na ng Office of the President sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) ang pagkansela sa Philippine passport ni Guo kasama ng kanyang mga kapatid na sina Wesley at Sheila at indibidwal na si Cassandra Ong.
Matatandaang ilang beses hindi sumipot si Guo sa mga pagdinig sa Senado kaugnay sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban dahilan para maglabas ng arrest order laban sa kanya.
Bukod pa ito sa mga kinakaharap na alegasyon ng nasibak na alkade patungkol sa kanyang pagkakakilanlan at pagtakbo sa eleksyon matapos mapatunayang peke ang pagka-Pilipino.