Isinusulong ngayon ng iba’t ibang mga animal welfare group kabilang na ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na gawin na lamang animal conservation sanctuary ang mga zoo sa Pilipinas kaysa tourist attraction upang maiwasan na ang ‘animal exploitation’.
Kasunod ito ng viral video kamakailan ng leon na si “King” mula sa Baluarte Zoo sa Vigan, Ilocos Sur kung saan nakuhanan ang pagsipa ng caretaker sa paa nito para sa photo opportunity kasama ang turista.
Ang insidenteng ito, lubos na ikinagalit ng mga animal welfare group kaya naman mariin nila itong kinondena kasabay ng paghimok ang publiko na huwag nang tangkilikin ang ganitong mga negosyo.
“I-boycott nila, wag nila suportahan kasi kung nagbabayad ka sa isang facility, pupunta ka doon makikipag-selfie ka tappos magbabayad ka para doon, parang napopondohan mo ‘yung exploitation ng animal,” pahayag ni Lian Ascalon, PAWS Humane Education Volunteer.
Binigyang-diin din ni Ascalon na maganda na magkaroon ng protected areas o animal sanctuary para sa mga wildlife upang makagalaw sila na ayon sa kanilang normal na tahanan lalo pa at wala naman mga ganitong hayop sa Pilipinas.
“May mga natural parks may mga totoo gaya ng safari na maayos ang pamamalakad so sana ang sa atin ganun hindi yung nakakulong yung tigre nakakadena yung ano that is cruelty,” paliwanag nito.
Muli namang nagbabala ang animal welfare group na posibleng maharap sa kasong pasok sa Animal Welfare Act 8485 ang mga zoo owner o caretaker kung sakaling hindi maganda ang pangangalaga nila sa mga hayop. -DP/AL