IBCTV13
www.ibctv13.com

Microsoft at DepEd, magsasanay ng 2,000 guro para sa ligtas na paggamit ng AI sa mga paaralan

68
Views

[post_view_count]

Microsoft launched Microsoft Elevate for Educators, the AI Classroom Toolkit resource suite and Behind the Chat, bringing together educator training, professional recognition and practical digital safety resources to help teachers prepare students for an increasingly AI-powered world. (File photo of DepEd)

Magsasanay at magbibigay ng sertipikasyon ang Microsoft, katuwang ang Department of Education (DepEd), sa 2,000 pampublikong guro upang matutunan nila ang tamang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa kanilang pagtuturo.

Inilunsad ng Microsoft ang tatlong bagong resources na naglalayong tulungan ang mga guro na mas maunawaan at magamit ang AI at magabayan ang mga mag-aaral sa ligtas at responsableng paggamit nito: ang Microsoft Elevate for Educators, AI Classroom Toolkit, at Behind the Chat: A Human Guide to Safe AI Conversations.

Sa ilalim ng pagsasanay, nasa 100 guro sa senior high school ang sumailalim sa buong araw na hands-on training sa Microsoft Office sa Makati City nitong Huwebes, Nobyembre 5.

Nakiisa sa aktibidad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ChildFund Philippines upang talakayin ang mga paraan ng pagprotekta sa mga kabataan laban sa mga panganib sa internet.

Sa ilalim ng Microsoft Elevate for Educators, matutulungan ang mga guro na magkaroon ng sapat na kaalaman at kumpyansa sa paggamit ng AI bilang kagamitan sa pagtuturo.

Samantala, magbibigay naman ang AI Classroom Toolkit at Behind the Chat ng plataporma na magagamit ng mga guro sa pagtuturo tungkol sa kaligtasan sa internet.

“By investing in educators today, we can help ensure technology expands opportunity while giving young people the judgment, awareness and guidance to navigate it safely and responsibly,” ayon kay Microsoft Philippines Managing Director Caroline Foo.

Ang hakbang ay bahagi ng kasunduan ng Microsoft at DepEd na inanunsyo noong Agosto.

Sa ilalim nito, bibigyan ng Microsoft Copilot access ang isang milyong guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa. – VC