Aabot sa milyun-milyong mga Pilipino ang nahahatiran ng tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula sa pondong kanilang nalilikom sa mga mananaya sa mga lottery draw nito.
Sa isang press conference kasama ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) 13 at Digital 8 TV (D8TV) Inc., inilatag ng PCSO ang naging ‘milestones’ nito sa pagtulong sa mga nangangailangang Pilipino.
Ayon kay PCSO Assistant General Manager Atty. Lauro Patiag, 30% ng kanilang kita ay napupunta para sa pondo ng calamity assistance, education support, community health at medical assistance programs sa buong bansa.
Dagdag pa ni Patiag, aabot sa mahigit 300,000 Pilipinong pasyente ang natulungan ng ahensya para lamang sa taong 2024.
“Mayroon din po tayong tinatawag na universal healthcare na binibigay sa PhilHealth. 40% of our charity fund, purpose po nun para makaavail ang mga informal members dun sa mandatory services contribution natin mayroon tayo sa CHED sa Boy Scout, Girl Scout at sa energy,” paliwanag ni Patiag.
Bukod dito ay isa rin ang PCSO sa mga ahensya sa bansa na mayroong pinakamalaking binabayarang buwis na mapakikinabangan ng pamahalaan para sa pagpapaganda ng serbisyo sa taumbayan.
Sa press conference ay ipinakilala na rin ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) 13 at Digital 8 TV (D8TV) Inc. na makakatuwang ng PCSO sa pagpapalaganap pa sa mas maraming Pilipino ng tulong na hatid nito.
“Our joint venture can provide the best equipment and coverage that we can,” pagtitiyak ni IBC 13 President and CEO Jimmie Policarpio.
“Malaki po na proceeds na nakita sa pagtaya ng mamamayan ay napupunta sa pagtulong ibinabalik din, so dito sa makikita natin paano makaka-access ng tulong sa PCSO,” saad naman ni D8TV President Jay Ruiz.
Mapapanood na ang lottery draw ng PCSO sa IBC 13, DWAN 1206 AM, at D8TV sa darating na Disyembre 31, 2024 kung saan bobolahin sa tatlong time slot ang maswerteng numero simula 2:00 p.m., 6:00 p.m., at 9:00 p.m.