Inihain na ni Senator Imee Marcos ang Senate Bill (SB) 2851 o ang ‘Minimum Wage for Farmers Act’ na layong magpatupad ng minimum wage para sa mga magsasaka pati na sa iba pang mga manggagawa sa bukirin na kabilang sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa.
Layunin ng SB 2851 na imandato sa Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng income support para sa mga magsasaka upang mabigyan ng tulong ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang mga magsasaka at manggagawa sa bukirin na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ay makakatanggap ng garantisadong minimum wage batay sa itinakdang halaga ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa kani-kanilang rehiyon.
Naniniwala ang senadora na sa tulong ng panukalang batas na ito ay matutulungan na ang mga magsasaka na kabilang sa pinakamahihirap sa lipunan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 30% ang poverty incidence rate ng mga magsasaka noong 2021, na bahagyang bumaba mula sa 31.6% noong 2018.
Samantala, lumago naman ang ekonomiya ng Pilipinas sa average na 5.8% kada taon, habang ang sektor ng agrikultura ay lumago ng 1% sa nakaraang dekada.
Matatandaang noong Nobyembre 2023, umabot sa 12.19 milyong Pilipino o 24.6% ng labor force ang nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, na lumikha ng 1.24 milyong bagong trabaho kumpara noong Nobyembre 2022.
Sa kabila nito, patuloy na bumababa ang kontribusyon ng sektor sa pambansang kita.
“Despite this development, the sector’s contribution to national income has been declining. This data is further captured by the official government statistics,” saad ni Sen. Marcos.
“Doing so will reduce the poverty rate of farmers and provide purchasing power to the countryside, allowing economic growth in rural areas,” dagdag ng senador.
Dapat ding tukuyin ng DA ang tamang bilang ng araw na nagtatrabaho at tauhan bawat ektarya para sa bawat pangunahing pananim.
Ang mga magsasaka at manggagawa ay may karapatan din sa pagkakaiba sa pagitan ng kanilang computed income at aktwal na kita, kung saan ang municipal agricultural officer o city agricultural officer ng bawat lokal na pamahalaan ay magiging responsable para sa pagsubaybay sa output at progreso ng mga ito.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, umaasa si Senator Imee Marcos na mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka at palakasin ang sektor ng agrikultura upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap nito. – AL