Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Misamis Occidental bilang isang “Insurgency-Free Province” ngayong Biyernes, Setyembre 27.
Sa kanyang mensahe sa Tangub City Global College (TCGC) sa Tangub City, iniulat ng Pangulo na malaya na mula sa impluwensya ng Communist Terrorist Groups’ (CTGs) ang 60 barangay sa naturang lalawigan.
Aniya, bunga ito ng ‘strong political will’ at mahigpit na pagtutulungan ng mga law enforcement agencies para tuluyang wakasan ang mga komunistang grupo.
“After years of consistent and resolute security, peace, and community-building, we have succeeded in our campaign to end the decades of conflict in the sixty barangays in your province that were once in the clutches of insurgent movements,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Binigyang-diin ng punong ehekutibo na nakatulong sa pag-alis ng karahasan ang ginawang neutralisasyon sa mga lider ng grupo sa Misamis Occidental at Zamboanga noong unang kalahati ng 2024 sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“We have successfully dismantled the key leadership of the former insurgents operating in Misamis Occidental, which have now led to their reintegration into society,” pagbibigay-diin ng Pangulo.
Kasabay nito, pinuri at kinilala rin ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kanilang community development and reintegration programs para sa mga nagbabalik-loob na komunista. -VC