Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lahat ng mga rehiyon sa bansa ay magkakaroon ng mobile soil laboratory (MSL) bilang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Ngayong araw ay pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang inagurasyon ng kauna-unahang MSL sa bansa na nakatakdang ilagay sa National Soil and Water Resources Research Development Center Lowland Ped-Ecological Zone sa San Idelfonso, Bulacan bilang tulong sa mga magsasaka mula sa Region III.
Ayon sa Pangulo, layunin ng pamahalaan na makapaglunsad ng karagdagang 16 units ng MSL na ide-deploy sa 16 pang mga rehiyon sa Pilipinas sa unang bahagi ng 2025.
Inaasahan na mas mapalalakas ng proyekto ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ang soil laboratory services para sa mga stakeholder ng agrikultura partikular na sa mga magsasaka.
“Layunin ng proyektong ito na bigyan ang ating mga magsasaka ng kaalaman at teknolohiyang magagamit nila na siyentipiko na paraan ng pagsasaka,” saad ng Pangulo.
“Sa ganitong paraan, mapapangalagaan nila ang kalusugan ng kanilang lupa, magagamit nang tama ng pataba, at makakamit ang mas mataas na ani,” paliwanag nito.
Nakikita rin ni Pangulong Marcos Jr. na makatutulong ang MSL sa pagkakaroon ng impormasyon upang makabuo ng patakarang sumasalamin sa pangangailangan ng agrikultura ng bansa. – VC