
Sa loob ng maraming dekada, nanatiling nakaasa ang maraming magsasaka sa tradisyunal na paraan ng pagtatanim at pagproseso ng palay — isang sistemang mabagal, magastos, at nagdudulot ng malaking pagkalugi sa kanilang kabuhayan.
Mula sa pag-aararo gamit ang kalabaw hanggang sa pagpapatuyo ng palay sa ilalim ng araw sa mga lansangan, patuloy na hinaharap ng mga magsasaka ang mataas na production cost at malaking post-harvest losses na nagpapababa sa kanilang kita.
Ganito ang naging karanasan ng mga magsasakang tulad ni Kata Obinaryo ng Nueva Ecija, kung saan sa bawat 100 sako ng palay ay umaabot sa apat na sako ang naitatapon lamang.

Ito ang isa sa mga suliraning nais tugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaya pinalawak ng kanyang administrasyon ang access sa makinarya at modernisasyon sa sektor ng agrikultura.
“Libu-libong makinarya at pasilidad ang binuksan at ipinamigay para sa mga magsasaka,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

Matatandaan noong nakaraang Marso ay nagtungo ang Pangulo sa Guimba, Nueva Ecija upang inspeksyunin ang Rice Processing System (RPS), isang modernong pasilidad na pinagsasama ang pagpapatuyo at paggiling ng palay upang mapabuti ang kalidad ng ani at mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.
“Pang-pabilisan, kailangan itong mechanization ang ginagawa natin,” ani Pangulo.

Ipinaliwanag naman ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na malaking tulong ang mga modernong drying facility upang maiwasan ang pagbibilad ng palay sa kalsada.
“Magbibilad sa kalye, maraming losses diyan eh. Pumapangit ‘yung quality. Better quality means better price,” ani kalihim.
Nitong Hunyo 2026, nasa 213 rice drying facilities ang patuloy na itinatayo kung saan 157 na pasilidad ang inaasahang ma-tu-turnover sa iba’t ibang lalawigan pagsapit ng Disyembre 2026 upang mapalawak ang access ng mga magsasaka sa modernong post-harvest facilities.
Bukod sa RPS, ininspeksyon din ng Pangulo ang katabing rice mill, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kumpletong pasilidad sa loob mismo ng mga kooperatiba upang ang dagdag na halaga ng produksyon ay direktang mapakinabangan ng mga magsasaka.
“Nandito na ‘yung milling, nandito na ‘yung drying. Lahat ng value-added ay nandito na, naiiwan sa kooperatiba, naiiwan sa magsasaka,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ang modernisasyong ito sa ilalim ng Marcos Jr. admin ang bagong mukha ng agrikultura.
“Yung mga nagsasaka ay nakangiti, ibig sabihin ay [naging] maayos ang kanilang hanapbuhay. Sila ang nagpapakain sa buong Pilipinas, kaya’t alalahanin natin lagi ang kanilang kalagayan,” dagdag ng Pangulo.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pamamahagi ng makinarya, pagtatayo ng rice processing facilities, at pagpapalawak ng mga programa para sa modernisasyon sa agrikultura, isinusulong ng pamahalaan ang mga hakbang na naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Sa gitna ng matagal nang mga hamon sa sektor ng agrikultura, nananatiling layunin ng pamahalaan na mabigyan ang mga magsasaka ng mas makabago at pinadaling paraan ng produksyon upang mas mapataas ang kanilang kita, at higit na mapatatag ang seguridad sa pagkain ng bansa. – VC











