Namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901 o tinaguriang ‘monter ship’ malapit sa Luzon nitong Sabado ng gabi, Enero 4.
Sa pahayag ng PCG, unang nakita ang monster ship na nasa 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island sa Zambales gamit ang Dark Vessel Detection System ng Canada.
Bandang 5:00 p.m., nakumpirma ang presensya ng Chinese vessel matapos ipadala sa lugar ang BRP Cabra at PCG Caravan.
Sinabihan ng PCG ang barko na nasa loob ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa Philippine Maritime Zones Law at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Patuloy na binantayan ng PCG ang paggalaw ng monster ship na huling nakita sa 85 nautical miles mula sa Zambales bandang alas-otso kagabi.
Una nang sinabi ng ahensya na mahigpit nilang tututukan ang nasabing barko upang matiyak na ligtas na makakapamalaot ang Pilipinong mangingisda.
“The PCG remains committed to closely monitoring this Chinese Coast Guard vessel to ensure that Filipino fishermen can operate safely and without harassment within our Exclusive Economic Zone,” saad ng PCG.