Simula Martes, Pebrero 5, ibababa na hanggang P55 kada kilo ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas mula sa kasalukuyang P58 kada kilo ayon kay Department of Agriculture (DA).
Ito ay inaasahang magdadala ng malaking ginhawa sa mga mamimili sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. plano pang ibaba ng ahensya ang MSRP sa mga susunod na linggo hanggang P49-P50 kada kilo pagpatak ng Marso.
“After this reduction, we plan to lower it further to P52 a kilo by mid-February and then at P49 per kilo two weeks after. This should reflect the lower global prices of rice and the reduced tariff,” saad ng DA chief.
Ang hakbang ay bahagi ng pagsisikap ng DA na kontrolin ang inflation sa presyo ng pagkain, partikular na sa bigas na isa sa pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.
Tiniyak din ng kagawaran na patuloy nilang babantayan ang suplay ng bigas at kalagayan ng mga pamilihan upang mapanatili ang abot-kayang pagkain sa bawat pamilya sa bansa. – VC