IBCTV13
www.ibctv13.com

Murang bigas sa pamilihan at maayos na kita ng mga magsasaka, tiniyak ng DA

Jerson Robles
510
Views

[post_view_count]

Kadiwa ng Pangulo rice stall in one of the major public markets in Metro Manila. (Photo Courtesy by Miro Posadas, IBC News)

Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na patuloy ang kanilang pagsisikap na balansehin ang pagbibigay ng abot-kayang bigas sa mga mamimili at ang pagkakaroon ng disenteng kita para sa mga magsasaka.

“Binabalanse po natin [ang] kagustuhan ng ating mga magsasaka at kagustuhan ng ating mga mamimili,” saad ni DA Agribusiness, Marketing and Consumers Affairs Assistant Secretary Genevieve Velicia-Guevarra sa isang news forum ngayong Sabado, Disyembre 7.

Ayon kay Guevarra, kinikilala ng ahensya ang mga saloobin ng mga magsasaka, lalo na kapag bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.

“May ripple effect kapag masyado binabaan [ang presyo ng bigas]. Kung nagtatanim ako ng bigas, baka madismaya ako na magtanim pa dahil nga wala naman kikitain kung ganiyan na kababa ang presyo,” dagdag nito.

Kamakailan lang nang inilunsad ng DA ang mga kiosk na nag-aalok ng halu-halong lokal at imported na well-milled rice sa halagang P40 bawat kilo sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) Rice for All program sa limang (5) palengke sa Metro Manila.

Ang mga kiosks ay matatagpuan sa Kamuning Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, at Guadalupe Market.

Plano rin ng DA na makipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) para makapaglagay ng mga kiosks sa LRT at MRT stations.

Inaasahang nasa limang (5) kiosks pa ang bubuksan sa iba pang mga pampublikong pamilihan sa susunod na linggo.

Una nang tiniyak ng ahensya na patuloy ang kanilang layunin na palawakin pa ang Kadiwa ng Pangulo program sa buong bansa upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa P40 kada kilo na bigas.

“Ang plano po ay palawigin pa at ilagay ang mga Kadiwa ng Pangulo kiosk sa lahat po ng major na palengke nationwide,” ani Guevarra.

Ang Kadiwa ng Pangulo kiosks ay bukas mula Martes hanggang Sabado, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. – IP