IBCTV13
www.ibctv13.com

Myanmar peace plan, seguridad sa katubigan, at transboundary haze, kabilang sa tatalakayin sa 49th ASEAN Summit

105
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the final walkthrough of the Philippine International Convention Center (PICC), including the Media Hall, and the International Media Center (IMC) at the World Trade Center (WTC) ahead of the 49th ASEAN Summit and Related Summits. (Photo courtesy of PBBM/Facebook)

Nakatakdang talakayin ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa gaganaping 49th ASEAN Summit and Related Summits ang iba’t ibang mahahalagang usaping panrehiyon at pandaigdig.

Kabilang na rito ang pagpapatupad ng Five-Point Consensus sa Myanmar, planong pagtatatag ng ASEAN Maritime Center, at pagtugon sa transboundary haze.

Ayon kay Deputy Director General at ASEAN 2026 Spokesperson Dominic Xavier Imperial, magsisilbing pagkakataon ang serye ng mga pagpupulong upang suriin ang mga nakamit ng organisasyon at itakda ang mga susunod na hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng pangmatagalang layunin nito.

Bilang paghahanda sa summit, pangungunahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Maria Theresa Lazaro sa Nobyembre 14 ang huling pagpupulong ngayong taon ng ASEAN Foreign Ministers.

Bahagi ng pangunahing agenda ng pulong ang pagrepaso at desisyon hinggil sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus sa Myanmar, gayundin ang pagpapatibay sa concept note at terms of reference para sa planong pagtatatag ng ASEAN Maritime Center.

Tatalakayin din ng mga foreign minister ang transboundary haze at iba pang mahahalagang usaping nakaaapekto sa rehiyon.

Susundan naman ito ng ika-32 ASEAN Political-Security Community Council Meeting at ika-39 ASEAN Coordinating Council Meeting, na kapwa tatalakay sa mga paghahanda para sa summit at sa mga ulat mula sa tatlong community pillar ng ASEAN.

Ayon kay Imperial, mahalaga ang mga pagpupulong dahil magsisilbi itong batayan sa mga usaping ihaharap sa mga lider ng mga bansang kasapi ng organisasyon.

Gaganapin ang 49th ASEAN Summit sa Nobyembre 15-17 sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang ASEAN Chair.

Sa unang araw, Nobyembre 15, sisimulan ang programa sa opening ceremony, na susundan ng plenary at retreat sessions ng mga lider.

Nakatakda ring makipagpulong ang mga lider sa mga kinatawan ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), ASEAN Business Advisory Council, at ASEAN Youth.

Magpapatuloy ang mga pagpupulong sa Nobyembre 16 at 17 sa pamamagitan ng Plus One Summits, kung saan makikipagdayalogo ang mga lider ng ASEAN sa mga dialogue partner, kabilang ang Australia, China, India, Japan, Republic of Korea, United Nations, at United States of America.

Sa Nobyembre 17, pangungunahan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang 29th ASEAN+3 Summit at 21st East Asia Summit.

Inaasahang magiging sentro ng mga talakayan ang pagpapalawak ng praktikal na kooperasyon at pagpapatibay ng dayalogo sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng rehiyon at ng buong mundo, partikular ang tumitinding geopolitical tensions at kawalang katiyakan sa ekonomiya.

Magtatapos ang serye ng mga pagpupulong sa ASEAN-US Special Summit, bago ang closing ceremony na magsisilbing pormal na pagtatapos ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN at ceremonial turnover ng chairmanship sa Singapore. – MP