Nadiskubre sa isinagawang aerial survey ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Biyernes, Setyembre 27 ang naglalakihang mga gusali na itinayo ng China sa iba’t ibang ‘illegally reclaimed area’ sa West Philippine Sea (WPS).
Unang namataan sa Subi o Zamora Reef ang mga itinayong istruktura ng China na ilang kilometro lamang mula sa Pag-asa Island.
Malawak din ang sakop na bahagi ng mga gusali ng China sa Mischief o Panganiban Reef na iligal na inookupa ng China. Kasabay na namataan ang presensya ng mga Chinese vessels sa katubigan.
Habang patungo naman ang BFAR sa Iroquois o Rozul Reef para sa resupply mission kung saan namahagi ito ng krudo at pagkain sa mga mangingisdang Pilipino, nadaanan din ang naglalakihang mga barko ng China o mahigit 20 militia vessels kasama ang isang war ship.
Isang Chinese missile ship pa ang nagpatama ng laser sa eroplano ng BFAR na nagsasagawa lamang ng maritime patrol sa bahagi ng Hasa-Hasa Shoal.
Ang dalawang barko naman ng BFAR na 10 nautical miles ang layo mula sa Hasa-Hasa Shoal para magsagawa din ng resupply mission, hinabol ng Chinese missile ship.
Ayon sa National Maritime Council (NMC), ito ang unang beses na nang-harass ang missile ship ng China sa mga barko ng Pilipinas. – VC