Patuloy na binabantayan ng Philippine Coast guard (PCG) ang presensya ng tinaguriang “monster ship” ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ito ang naging pahayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela kung saan ang BRP Cabra (MRRV-4409) ng hukbo ay walang patid sa pagsubaybay at pagharang sa kilos ng barko ng China Coast Guard (CCG).
Ayon kay Tarriela, ang pagpasok ng barko ng CCG sa katubigang teritoryo ng bansa ay hindi na lamang isang “innocent passage.”
Posibleng nagsasagawa na ito ng law enforcement operation, bagay na lumalabag sa international law at soberanya ng bansa ayon sa opisyal.
Tiniyak din ni Tarriela na hindi magpapadala ang PCG sa mga agresibong aksyon ng China at patuloy na ipagtatanggol ng hukbo ng Pilipinas ang karapatan sa bawat teritoryo gayundin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.
Matatandaang namataan ang naturang barko nitong Sabado, Enero 4, sa bahagi ng Zambales at patuloy na namamalagi sa magkasunod na tatlong araw. – VC