Nakapagtala ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng pinakamataas na bilang ng mga pasahero at flight sa kasaysayan ng paliparan nitong nakalipas na 2024, isang patunay ng lumalakas na demand para sa air travel sa Pilipinas.
Batay sa datos, umabot sa 50.1 milyong pasahero ang natanggap ng NAIA nitong nakaraang taon, mas mataas ng 5.08% noong 2019 habang 10.43% na mataas mula noong 2023.
Nakatanggap din ng kabuuang 293,488 flights sa paliparan nitong nagdaang taon na mas mataas ng 8.08% noong 2019 at 4.83% mula sa sinundang taon na 2023.
“More Filipinos are flying, and more visitors are coming to the Philippines,” saad ni Ramon S. Ang, Presidente ng New NAIA Infra Corp. (NNIC).
Umabot naman ang average On-Time Performance (OTP) ng NAIA hanggang 83.36% mula Disyembre 30-Enero 1 habang pumalo ng 88.35% ang OTP ng paliparan noong Disyembre 31 kung saan ito na ang pinakamataas mula nang simulan ng NNIC ang pamamahala dito.
Ang mga datos ay nagpapakita ng muling pagbangon ng bansa bilang destinasyon para sa turismo at kalakalan sa rehiyon.
Patuloy ang pangako ng NNIC na pagtuunan ang pagpapabuti ng imprastruktura at operasyon para sa 2025 upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand ng mga pasahero.
Layunin ng NNIC na gawing moderno at epektibong paliparan ang NAIA upang suportahan ang mga layunin ng bansa para sa turismo at paglago ng ekonomiya. – VC