IBCTV13
www.ibctv13.com

Naiwang pamilya ng mga nasawing manggagawa sa M7.8 lindol, makakatanggap ng P30,000 tulong mula sa DOLE

Kristel Isidro
68
Views

[post_view_count]

File Photo

Magpapaabot ng tulong-pinansyal ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa at kanilang pamilya na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, nakikipag-ugnayan na ang mga regional office ng DOLE at ang Employees’ Compensation Commission (ECC) upang maitala ang mga manggagawang naapektuhan ng sakuna.

Sa ilalim ng umiiral na regulasyon ng ECC, maaaring makatanggap ng P15,000 na financial assistance ang mga apektadong manggagawa, habang ang pamilya ng mga nasawing manggagawa ay maaaring mabigyan ng karagdagang P30,000 bilang funeral benefit.

Inaasahang makikinabang din ang mga manggagawang pansamantalang nawalan ng kabuhayan sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers (TUPAD).

Ang programa ay nagbibigay ng sahod na katumbas ng umiiral na minimum wage sa mga benepisyaryong makakapagtrabaho sa ilalim ng employment scheme.

Ayon kay Tolentino, palalawakin din ng DOLE ang sakop ng Occupational Safety and Health program upang maisama ang mental health support para sa mga manggagawang nakaranas ng trauma dulot ng kalamidad.

Pinaplano namang palakasin ang Occupational Safety and Health Committee Regional Extensions Units ng DOLE upang matiyak ang mas mabilis at mas epektibong emergency response para sa mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.

Batay sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense, mahigit 75,000 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Ang pinakamalaking epekto ay naitala sa Region 11 at 12, kabilang ang Sarangani at mga karatig-lugar na matinding niyanig ng lindol. – VC